Suplay ng bigas sa bansa sapat ayon sa DA at DTI
Pangatlong araw na ng implementasyon ng ipinatutupad na price ceiling sa bigas.. pero ang ilan sa mga tindahan na naikutan natin sa Maynila patuloy pa rin namang nakakapagbenta ng 41 at 45 pesos na presyo ng kada kilo ng bigas.
Tatagal daw ito hanggang meron pa silang makukuha sa kanilang supplier.
Ayon naman sa ilang retailer ng bigas dito sa lungsod ng Maynila na malaking tulong ang ipinatupad na Executive Order 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., para mapigilan ang pananamantala, hoarding at smuggling ng bigas sa bansa.
Ayon kay Mang Orlando, nagbebenta ng bigas sa Obrero public market sa ganitong paraan ay mas bababa pa ang presyo ng pag-angkat ng bigas kung saan mas maraming klase ng bigas ang maibebenta sa merkado.
Naniniwala rin sila na may sapat na suplay ng bigas sa bansa pero dahil sa hoarding at smuggling ng mga mapagsamantalang negosyante..kakaunti o limitado ang naibebenta sa merkado.
Una rito, sa ulat ng Department of Agriculture at Department of Trade and Industry dahil sa hoarding at smuggling ay namamanipula ng mga cartel ang presyo ng bigas sa bansa…dahilan kaya sila nagrekumenda ng price cap.
Bukod sa sapat na supply ng bigas na may 64 araw na stock..taon-taon naman ay nasa 19 Million Metric Tons umano ang local production ng bigas gaya noong bago nagpandemya kaya kaduda duda ang sumisirit na presyo nito.
Madelyn Moratillo