Suplay ng kuryente ngayong panahon ng tag-init sapat ayon sa DOE
Tiniyak ng Department of Energy na walang magaganap na brownout at hindi kukulangin ang suplay ng kuryente ngayong summer.
Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, masusi nilang minomonitor ang mga power plant at mga schedule maintenance shutdown para maiwasan ang brownout.
Katunayan, madadagdagan pa ang suplay ng kuryente dahil magbubukas na ngayong Abril ang mga bagong planta ng kuryente sa Limay Bataan na inaasahang magbibigay ng dagdag na suplay na 300 Megawatts.
Mula April 22 hanggang June 10, magkakaroon ng maintenance shutdown ang may 20 power plants pero pinaghahandaan nang DOE ang magaganap na interruptible load program.
Oobligahin din ang mga mall at malalaking kumpanya na mag set up ng kanilang generator sets para hindi magkulang ang suplay sa mga mas maliit na establishment at residential consumers.
Sa ngayon, umaabot pa sa 10 thousand Megawatts ang reserve na suplay sa Luzon Region, habang mahigit dalawang libong Megawatts sa Visayas at Mindanao.