Suplay ng kuryente sa Catanduanes, posibleng anim na buwan pa bago maibalik; Suplay ng tubig wala pa rin
Bagamat naibalik na ang linya ng komunikasyon, wala pa ring suplay ng kuryente at tubig sa Catanduanes.
Sa ulat ni Eagle Correspondent Jomel Carlos ng Virac, Catandunes, maaaring tumagal pa ng lima hanggang anim na buwan bago maibalik ang suplay ng kuryente sa kanilang lalawigan.
Pahirapan din ang pagkuha ng tubig ng mga residente dahil kailangang pumila ng mahaba sa iilang may deep well at sa inuming tubig naman ay pila rin sa mga water refilling stations na kumukuha naman ng tubig sa water pump.
Maliban dito, unti-unti na rin aniyang nagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng mga pangunahing pangangailangan at pagkain lalu na sa bayan ng Bato sanhi ng hindi pa madaaanang mga lugar na pinangyarihan ng landslide.
Nagkuwento rin si Jomel ng kanilang naging karanasan sa mismong pagtama ng super typhoon Rolly sa kanilang lalawigan.
” Ala-una pa lamang ng madaling-araw ay nagsimula na naming maramdaman ang malalakas na pagbugso ng hangin na may kasamang pag-ulan na tila malalaking bola na sunud-sunod na gumugulong. Kung ito ay mailalarawan sa araw ay halos wala kang makikita at puting-puti ang kapaligiran. Pagsapit ng alas-3:00 ng madaling-araw na naglandfall ang bagyo ay lalung naramdaman ang lakas nito. Bagamat bahagyang huminto sa pagitan ng alas-5:00 at alas-6:00 ng umaga ngunit ito talaga ang mga oras na matinding bumayo ang bagyo na sumira sa lahat ng madaaanan nito na tila may ipo-ipo na kasama. Halos natapoos ang bagyo bandang alas-8:00 na ng umaga”.
Sinabi pa ni Jomel na matapos ang bagyo ay humantad sa kanila ang kalunos-lunos na mga senaryo.
Nakita nila ang mga nagbagsakang poste ng kuryente, nabuwal na malalaking puno at nagliparang mga bubong ng bahay at mga establisimyento kahit pa ang mga matitibay na gusali na tila nagkaroon ng demolisyon.
Nasira din ang kanilang mga pananim gaya ng abaka at posibleng abutin pa ng isa at kalahating taon bago bila pakinabangan ang produktong ito.
Sa ngayon aniya ay may regular na biyahe na ng barko sa lalawigan at nakakatawid na ang mga tao na nais lumabas at pumasok sa Catanduanes.
Ngunit may ilang mga bayan pa rin sa labas ng Virac ang hindi pa rin madaanan sa ngayon.
Bagamat dumanas ng malakas na bagyo ay hindi nakapagtala ng malaking bilang ng mga namatay sa lalawigan dahil sa kahandaan ng bawat bayan at barangay sa mga kalamidad.
Ang bayan ng Bato sa Catanduanes ay ang unang lugar na tumama o nag-landfall ang super typhoon Rolly.