Suplay ng kuryente sa panahon ng halalan sapat – DOE
Sinabi ng Department of Energy (DOE) nitong Biyernes, na may sapat na suplay ng kuryente sa panahon ng eleksiyon, at wala silang nakikitang kakulangan sa reserba sa unang tatlong linggo ng Mayo.
Ang national at local elections ay gaganapin sa May 9, na siyang ika-19 na linggo ng taon.
Banggit ang National Grid Corp. of the Philippines’ (NGCP) updated power outlook para sa Luzon grid, sinabi ni DOE Electric Power Industry Management Bureau Director Mario Marasigan, na malamang na hindi magtaas ng yellow alerts- na nangangahulugan ng pagnipis ng reserba sa power grid mula weeks 18 – 20.
Gayunman, tinukoy niya ang posibilidad ng anim na yellow alerts na magaganap sa ikalawang quarter, o sa panahon ng weeks 16, 17, 21, 22, 23 at 24. Mangyayari lamang ito kapag naganap ang “worst case scenario.”
Ayon kay Marasigan . . . “It so happens that the election period, that means one week before and one week after plus the day itself on the election, happened to be spared by the yellow alerts.”
Sa projections, na ibinatay sa historical records ng power grid para sa nakalipas na apat na taon, ay ikinunsidera ang extended outage ng 300-megawatt second unit ng Calaca coal plant.
Una nang nilinaw ng Energy department, na ang yellow alerts ay hindi magbubunsod ng power outages. Ang nabanggit na alerts ay nagiging red alerts kapag lumala ang supply-demand balance. Kapag nakataas ang red alerts ay saka pa lamang nagkakaroon ng rotating power interruptions.
Sa ginanap na briefing, sinabi ni DOE Senior Undersecretary at Chairperson ng Energy Task Force Election Felix William “Wimpy” Fuentebella, na lubos ang tiwala niya na hindi makararanas ng brownouts sa panahon ng halalan, nguni’t ang ahensiya at ang mga miyembro ng task force ay magtutulong-tulong, upang agad na tugunan ang babangong mga isyu na may kinalaman sa kuryente.
Una rito, inihayag ng grid operator na ang Luzon power grid ay maaaring makaranas ng “thin operating margins” sa panahon ng tag-init ngayong taon, at binanggit na dahil ito sa pagtaas ng demand.
Nitong Biyernes, sinabi ni Marasigan na umaasa sila na ang ikalawang unit ng 668-megawatt GN Power Dinginin (GNPD) coal-fired power plant ay magbibigay ng dagdag na power sa grid, sa kabila ng delay sa commercial operations ng planta.
Ayon kay Marasigan, ang GNPD unit ay kayang magbigay ng power sa grid kahit sumasailalim pa ito sa testing at commissioning- na aniya’y magsisimula ngayong buwan.
Dagdag pa niya, nakipag-usap na ang DOE sa malalaking power plants na pumayag na i-atras ang kanilang PMS (preventive maintenance schedules) sa panahon ng summer months, para matiyak ang dagdag na power para sa grid. Sa panahon ng tagtuyo, tanging ang hydropower facilities lamang ang pinapayagang mag-schedule ng preventive maintenance services, at mag-offline.
Una nang sinabi ng Energy department na wala itong nakikitang anumang problema sa power situation sa panahon ng eleksiyon, batay sa isinumite ng kanilang stakeholders.
Ang matatag na suplay ng kuryente ay kinakailangan para sa pagta-transmit ng polling data.