Supreme Court Justice Samuel Martires nilinaw na hindi siya ang sumulat ng Sandiganbayan ruling na nag-apruba sa Garcia Plea bargain deal
Nilinaw ni Supreme Court Associate Justice Samuel Martires na hindi siya ang sumulat ng Sandiganbayan ruling na nag-apruba sa plea bargain deal sa pagitan ng Office of the Ombudsman at ni dating AFP comptroller Major General Carlos.
Ginawa ni Martires ang paglilinaw kasunod ng mga pagbatikos sa kanya sa nasabing isyu sa harap ng kanyang aplikasyon sa posisyon ng Ombudsman at sa pagendorso sa kanya ng Korte Suprema sa nasabing pwesto.
Matatandaan isang oposisyon ang inihain laban kay Martires sa Judicial and Bar Council ng isang grupo ng mga paring Katoliko dahil sa isyu ng Garcia plea bargaining agreement.
Ayon kay Martires, hindi siya ang ponente ng plea bargain decision ng Sandiganbayan Second Division kundi si Justice Teresita Baldos.
Ang isa pang nominado para sa Ombudsman post na si retired Sandiganbayan Presiding Justice at ngayo’y Ombudsman Special Prosecutor Edilberto Sandoval ang chairperson ng CA Second Division nang pagtibayin ang plea bargain agreement pero hindi ito ginamit na isyu laban sa kanya .
Una nang pinagtibay ng Court of Appeals noong 2016 ang desisyon ng Sandiganbayan na aprubahan ang kasunduan na nagbaba sa kaso ni Garcia sa direct bribery at facilitating money laundering mula sa kasong plunder.
Nagpalabas naman ang Supreme Court Third Division ng TRO laban sa implementasyon ng kasunduan noong 2013 at ito ay nakabinbin pa rin hanggang ngayon.
Ulat ni Moira Encina