Supremes singer na si Mary Wilson, pumanaw na sa edad na 76
WASHINGTON, United States (AFP) – Pumanaw na sa edad na 76, ang Motown singer at co-founder ng Supremes na si Mary Wilson.
Ayon sa isang celebrity magazine, siya ang nagtatag sa naturang US singing group sa edad na 15 habang naninirahan sa isang Detroit housing project, at ipinagpatuloy ito matapos lisanin ni Diana Ross ang grupo, hanggang sa siya ay mapabilang sa 1988 Rock and Roll Hall of Fame.
Sinabi ni Berry Gordy, founder ng Motown records na nasa likod ng marami sa naging hit songs ng grupo . . . “Mary Wilson was extremely special to me. She was a trailblazer, a diva and will be deeply missed.”
Ayon sa kaniyang publicist na si Jay Schwartz, si Wilson ay pumanaw sa kanilang tahanan sa Las Vegas noong Pebrero 8, subali’t hindi na ipinalabas ang detalye ng mga pangyayari kaugnay sa kaniyang pagkamatay.
Dalawang araw bago ito, si Wilson ay nag-upload ng isang short clip sa YouTube kaugnay ng pagdiriwang ng Black history month, at nag-anunsyo ng kapanapanabik na mga balita tungkol sa Supremes, kay Florence Ballard at sa unreleased materials.
Isinilang noong March 12, 1944 sa Greenville, Mississippi, si Wilson ay pinalaki ng kaniyang tiyuhin at tiyahin bago lumipat sa Detroit kasama ng kaniyang ina, noong siya ay doce anyos na.
Doon siya nagsimulang umawit at kasama si Ballard ay binuo ang grupo na kalaunan ay nakilala bilang Supremes.
Sa kabila ng limitadong tagumpay noong una, ang grupo ay naging successful sa mga huling bahagi ng dekada 60, kung saan ilan sa naging hit nila ay ang “Stop! In the Name of Love” and “Baby Love”.
Ngunit kasunod ng pag-alis ni Ross sa grupo noong 1970 para maging solo artist, hindi na muling nanguna sa US charts ang banda, ngunit mayroon pa rin silang naging mga hits gaya ng “River Deep, Mountain High” at “Stoned Love”.
Nagpatuloy si Wilson na mag-perform kasama ng banda – si Ross ay pinalitan ni Jean Terrell – nanatili sa grupo sa panahon ng pagpapalit palit nito ng miyembro, hanggang sa tuluyan na itong na-disband noong 1977.
Wala nang masyadong naging balita sa kaniya sa mga sumunod na taon. Bumalik siya sa public stage sa pamamagitan ng kaniyang 1986 memoir na “Dreamgirl: My Life As a Supreme,” kung saan idinitalye niya ang kaniyang panahon habang nasa banda – at ang kaniyang relasyon kay Ross.
Noong 1988 ay napasama siya sa Rock and Roll Hall of Fame bilang miyembro ng Supremes.
Naulila ni Wilson ang dalawa niyang anak, si Turkessa ang anak niyang babae at anak na lalaking si Pedro Antonio, Jr., at sampung mga apo.
© Agence France-Presse