Susunod na Bar Exams, isasagawa sa tatlong araw sa September 2023
Pormal nang inilipat ni 2022 Bar Examinations Chair at Supreme Court Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa kay Associate Justice Ramon Paul Hernando ang pangunguna para sa bar exams sa susunod na taon.
Ang turnover ceremonies ay isinagawa sa Ateneo De Manila University.
Ayon kay Justice Hernando, na incoming 2023 Bar Exams Chairperson, isasagawa ang susunod na pagsusulit sa tatlong araw ng Setyembre ng susunod na taon.
Aniya ang bar exams ang gold standard na sa professional licensure examinations dahil sa digitalized at regionalized bar examinations.
Natapos na nitong Linggo, Nobyembre 20 ang 2022 Bar Exams.
Sa tala ng Korte Suprema, kabuuang 9,183 bar examinees ang nakatapos sa apat na araw na eksaminasyon o 91.77% turnout.
Ayon kay Justice Caguioa, matagumpay ang idinaos na admission test.
Pinasalamatan din ng mahistrado ang kaniyang staff at lahat ng bar personnel dahil matagumpay na naisagawa sa buong Pilipinas ang bar exams ngayong taon.
Moira Encina