Swiatek, wagi sa WTA Finals opening
Nalampasan ng world number two na si Iga Swiatek ang hindi magandang simula upang talunin ang Wimbledon champion na si Marketa Vondrousova, sa straight set sa kaniyang WTA Finals game opening sa Cancun.
Maraming naging pagkakamali ang Polish star na si Swiatek sa first set, kaya’t napag-iwanan siya ng kalaban sa score na 2-5 bago tuluyang nakabawi at makuha ang tagumpay sa score na 7-6 (7/3), 6-0.
Target ng 22-anyos na four-time Grand Slam champion galing Warsaw, na mabawi ang kaniyang world number one tennis ranking mula kay Aryna Sabalenka sa season-ending finals na gaganapin sa Mexico sa linggong ito.
Gayunman, tila malabo itong makuha ni Swiatek noong una dahil sa hindi magandang simula kaya’t nahawakan ng seventh seed na si Vondrousova ang lead sa 2-0.
Pagdating ng fourth game ay nakabawi si Swiatek at nakatabla sa 2-2 sa first set, ngunit muling nadiskaril ang kaniyang laro nang manguna si Vondrousova, para sa 3-2 lead at nagpatuloy hanggang makuha ang 4-2 lead.
Isa pang faulty service game mula kay Swiatek na nagtapos sa isang break of serve ang naging daan upang muling manguna si Vondrousova sa 5-2.
Ngunit pagkatapos nito ay nag-collapse na ang laro ni Vondrousova, habang agad namang nakabawi si Swiatek upang itabla ang set sa 5-5 at ipako ang score sa 6-5.
Bagama’t nagawa ni Vondrousova na makapagset-up ng isang tie-break, ay panandalian lamang ang pagbawi niyang ito.
Mabilis din kasing na-kontrol ni Swiatek ang breaker at nahawakan ang set nang makagawa si Vondrousova ng double-fault.
Pumangit na ang service game ni Vondrousova sa ikalawang set, kung saan tatlong ulit naman itong na-break ni Swiatek.
Isa pang double-fault ni Vondrousova ang nagbigay-daan sa 5-0 lead ni Swiatek, at sinelyuhan ang tagumpay sa kaniyang serve sa final game.