Swiss manufacturers, iminungkahing ilipat sa gabi ang trabaho upang mabawasan ang energy shortage
Iminungkahi ng Swiss Mechanical at Electrical Engineering firms, na ilipat sa gabi at weekends ang mga trabaho upang maiwasan ang energy shortages sa peak times, bilang bahagi ng hakbang para matiyak na hindi makararanas ng krisis sa ekonomiya ang bansa hanggang matapos ang winter.
Ang Switzerland, gaya ng iba pang mga bansa sa Europa ay nahaharap sa posibleng kakulangan ng enerhiya sa pagpasok ng taglamig dahil binawasan ng Russia ang natural gas deliveries, dahil sa naging ‘response’ ng Western countries sa pagsalakay nila sa Ukraine.
Bagama’t ang bansa ay nag-e-export ng elektrisidad kapag summer dahil sa may sapat naman silang hydropower resources, umaangkat ito ng enerhiya kapag taglamig, at lumalawak ang pag-aalala tungkol sa kung paanong matitiyak na hindi magkakaroon ng energy shortages.
Kaugnay nito ay hinimok ng Swissmem, ang asosasyon ng Swiss Mechanical at Electrical Engineering Industries, ang gobyerno, mga negosyo at ang publiko na agad magtipid ng enerhiya at bawasan ang pagpapainit sa mga gusali ngayong taglamig.
Ipinanawagan din nila na i-waive na ng gobyerno ang ipinataw na sanctions sa mga kompanyang hindi nakaaabot sa kanilang climate obligations, upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kompanya na kayang magpalit mula gas patungong heating oil, na magawa ito.
Hinimok din nila ang mga kompanyang kakayanin naman, na i-schedule ang kanilang produksiyon sa gabi o kaya ay tuwing weekends.
Habang may ilang mga kompanya na maaaring magpalit ng manufacturing times, may ilan gaya ng mga nangangailangan ng tuloy-tuloy na mataas na temperatura para sa kanilang production processes ay dapat na magkaroon ng “uninterrupted power supplies.”
Babala naman ni Swissmem President Martin Hirzel, “Power cuts can destroy equipment in addition to ruining products. It is vital to prevent electricity or gas shortages. They would jeopardise companies and jobs in our industry.”
© Agence France-Presse