Sydney, hindi na magpapatupad ng hotel quarantine para sa overseas visitors

Photo: DAVID GRAY / AFP

Ihihinto na ng Sydney sa susunod na buwan, ang mandatory quarantine para sa overseas travelers.

Ayon sa mga opisyal, senyales ito ng mas mabilis kaysa inaasahang pagbabago sa coronavirus restrictions.

Matatandaan na 19 na buwang sarado ang borders ng Australia upang mapigilan ang pagkalat ng Covid-19, sanhi para ma-stranded sa ibang bansa ang sampung libong Australian nationals.

Sa kasalukuyan, ang sinumang nais pumasok sa Australia ay dapat na may exemption to travel qualification, at dapat sumailalim sa 14-day hotel quarantine na sila mismo ang gagastos.

Ayon kay New South Wales (NSW) Premier Dominic Perrottet, simula sa a-uno ng Nobyembre ay hindi na kailangan pang mag-quarantine bastat negatibo sa Covid test ang isang fully vaccinated traveler, bago sumakay ng eroplano.

Aniya . . . “For double vaccinated people around the world, Sydney, New South Wales, is open for business. Hotel quarantine will be a thing of the past. This is a significant day for our state.”

Ayon sa Tourism Australia, sa nakalipas na 19 na buwan ay bumagsak ng 98% ang bilang ng mga bumibisita sa bansa dahil sa pandemya.

(AFP)

Please follow and like us: