Taas singil sa kuryente asahan na mula Marso hanggang Hunyo; 11 sentimos na refund makatutulong pa rin ayon sa Meralco

Screen grab from MERALCO FB
Dalawang dahilan ang tinukoy ng Manila Electric Company o MERALCO, kung bakit kailangang magtaas ng singil ngayong buwan ng Abril kahit pa katataas pa lang noong Marso na nasa 26 centavos kada kilowatt hour.
Ngayong April billing, asahang magre-reflect ang dagdag singil na 72 centavod kada kilowatt hour, at ang mga kumokonsumo ng nasa 200 kilowatt hour kada buwan ay may increase na P145.
Sa panayam ng programang Ano Sa Palagay Nyo (ASPN) sa NET25 kay Ginoong Joe Zaldarriaga, vice president at pinuno ng Corporation Communications ng MERALCO, sinabi nito na talagang pagpasok ng tag-init partikular kapag Marso hanggang Hunyo, ay tumataas ang bayarin sa kuryente at mayroon itong dalawang dahilan.
Ayon kay Zaldarriaga, “Well, talagang pagpasok ng Marso hanggang Hunyo, asahan na natin ang dalawang factors. First is the increase in consumption. Pangalawa, prices go up because of the demand, nagmamahal ang presyo ng WESM. Kailangang bumili sa spot market.”
Samantala, ngayong Abril din magre-reflect ang refund na 11 centavos per kilowatt hour makaraang ipag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC), na ibalik ng MERALCO sa consumer ang P19.95 billion.
Sinabi ni Zaldarriaga na bagaman nasa 11 centavos per kilowatt hour lang ang refund, makatutulong pa rin ito upagibsan ang bigat ng bayarin sa kuryente.
Aniya, “Makatutulong. More than 90 centavos sana ang increase but because of the remarks by the ERC to implement refund, nakatulong din iyon, otherwise higher pa sana. Also, the trading period of 36 months, makatulong sana maibsan ang pagtaas ng konsumo.”
Ang pagpapatupad ng refund ay magtatagal ng tatlong taon.