Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo, dinalaw ni Pangulong Rodrigo Duterte bago matapos ang kaniyang termino
Dalawang linggo bago matapos ang kaniyang termino, ay nag-courtesy call si Pangulong Rodrigo Duterte sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo, na si Kapatid na Eduardo V. Manalo nitong Martes ng hapon, June 14.
Dumating ang Pangulo sa INC Central Office sa Quezon City, kasama ni Senator Christopher “Bong” Go.
Pinasalamatan ng pangulo ang Tagapamahalang Pangkalahatan at ang Iglesia Ni Cristo sa kabuuan, para sa suporta nito sa kaniyang administrasyon.
Kinilala ni Duterte ang mga naging kontribusyon ng Iglesia Ni Cristo para sa ikapagtatagumpay ng kaniyang gobyerno at ng bansa sa kabuuan.
Hinihikayat din kasi ng Iglesia ang kaniyang mga kaanib na maging mabubuting miyembro ng lipunan, maging matuwid ang pamumuhay, pagbutihin ang kanilang pagtatrabaho, at igalang ang batas.
Kinikilala rin niya ang mga kontribusyon ng INC sa pagtulong sa bansa sa pamamagitan ng iba’t-ibang programa nito gaya ng Lingap sa Mamamayan o Aid To Humanity, at ang suportang ibinigay ng Iglesia sa gobyerno sa panahon ng Covid-19 pandemic.
Ang termino ng 77-anyos na pangulo ay opisyal na magtatapos sa June 30, kaparehong araw ng inagurasyon ng President-elect na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., bilang ika-17 pangulo ng bansa.
Si Duterte ay kilala para sa kaniyang “Build, Build, Build” program na kinapapalooban ng maigting na infrastructure work sa buong bansa upang lalo pang mapasigla ang ekonomiya ng bansa, at makapagtatag ng pangunahing transportation hubs sa buong bansa.
Kilala rin siya sa kaniyang war on drugs campaign, at mga programa para matigil na ang red tape at kurapsiyon.
Pagkatapos niyang manalo bilang Pangulo noong 2016, ay binisita rin ni Pangulong Duterte ang Tagapamahalang Pangkalahatan sa isang courtesy call sa INC Central Office.
Ang INC o Church Of Christ ay tumulong sa iba’t-ibang mga komunidad at sa mga nangangailangan hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa ibang bansa man.
Ang Iglesia Ni Cristo na ipinarehistro sa Pilipinas ng una nitong Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Felix Y. Manalo noong July 27, 1914 ay matatagpuan na ngayon sa 161 mga bansa, na ang mga kaanib ay mula sa 148 nasyonalidad at mga lahi.
Ang INC ay magdiriwang ng kaniyang ika-108 taong anibersaryo sa July 27, 2022.