Taguig City barangay health workers, magiging monthly salary basis na
Mula sa dating allowance basis, magiging monthly salary basis na ang lahat ng barangay health workers (BHW) ng lokal na pamahalaan ng Taguig City.
Bukod dito ay entitled din sila sa iba pang mga benepisyo gaya ng performance incentive bonus, overtime pay, at hazard pay.
Regular din ang trainings na ibinibigay ng lokal na pamahalaan, sa layuning mapaghusay pa ang kanilang kakayahan upang masuportahan nila ang mga doktor at nurse sa mga ospital.
Bago pa nagkaroon ng pandemya ay malaki na ang naitulong ng BHW sa mga health center, sa pagtiyak na malusog at wasto ang nutrisyon ng komunidad at natututukan ang primary healthcare ng mga residente.
Ayon sa mga opisyal ng Taguig City local government, nang dumating ang COVID-19 sa bansa ay ang mga BHW ang naging matibay na katuwang ng mga doktor at nurse sa pagsasagawa ng contact tracing, pagbabakuna at pagbabahay-bahay upang mai-deliver ang mga gamot.
Naniniwala ang lokal na pamahalaan ng Taguig, na panahon na upang kilalanin ang mga barangay health worker.
Sa buong Pilipinas ay allowance basis pa rin ang mga ito, kaya’t minabuti nina Congresswoman Lani Cayetano at Congressman Allan Peter Cayetano at iba pa nilang mga kasamahan sa “Balik Sa Tamang Serbisyo” sa kongreso, na ihain ang House Bill no. 10112 o ang Bayanihan Barangay Health Workers Act of 2021, kung saan ginawa nilang basehan ang nagawa nila sa Taguig para ang mga nabanggit na benepisyo ay matamasa rin ng lahat ng BHW sa buong bansa.
Virnalyn Amado