Taguig City, may paalala sa mga residente upang makaiwas sa sunog
Kasunod nang patuloy na insidente ng sunog sa iba’t ibang lugar sa bansa, ay nagpaalala ang lungsod ng Taguig sa mga residente kung paano maiiwasan ang sunog sa kanilang bahay maging sa trabaho man.
Ayon sa paalala, kailangang Ilagay ang electric fan sa lugar na may sapat na bentilasyon upang maiwasan na uminit ito ng sobra, at huwag ding iwan na naka-on kung aalis ng bahay.
Huwag ding gamitin ang sirang power cords ng appliances para maiwasan ang short circuit, bantayan ang niluluto at siguruhing i-off ang gas stove pagkatapos gamitin.
Gayundin, iwasang mag-overload ng electrical appliances sa mga saksakan, at huwag iwanang nakasaksak ang appliances at gadgets tulad ng cellphone chargers kung hindi ginagamit, lalo na sa gabi.
Kung gumagamit naman ng kandila sa bahay, siguruhing malayo ito sa mga madaling magliyab na materyales tulad ng kurtina, papel, at tela. Huwag din itong iwanang nakasindi nang walang bantay.
Courtesy: Taguig-LGU
Sa trabaho naman panatilihing malayo ang mga bagay na madaling magliyab gaya ng kurtina, papel at tela mula sa mga lugar na posibleng pagmulan ng sunog, magkaroon at sundin ang fire evacuation plan para sa kahandaan sa emergency.
Lumahok sa earthquake at fire drills upang maging handa sa anumang sakuna at sa oras naman ng sunog o sakuna, tawagan ang BFP Taguig City Fire Station, Command Center at ang Taguig Rescue.
Archie Amado