Taguig City RTC pinayagan na makapagpiyansa ang aktor na si Vhong Navarro
Pinaboran ng Taguig City Regional Trial Court Branch 69 ang petisyon ng aktor na si Ferdinand “Vhong” Navarro na makapagpiyansa sa kinakaharap na kasong rape na inihain ng modelong si Deniece Cornejo.
Sa 21- pahinang desisyon na isinulat ni Presiding Judge Loralie Cruz Datahan, itinakda sa P1 milyon ang piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Navarro.
Sinabi ng hukom na bigo na mapatunayan ang mga alegasyon ng rape laban sa akusado batay sa mga ebidensya na iprinisinta ng prosekusyon.
Ayon sa judge, dapat mapatunayan ng prosekusyon na may intimidasyon, pagbabanta, at pamumuwersa na ginawa ang akusado sa biktima na si Deniece Cornejo.
Wala rin aniyang ebidensya o medical test results na magpapatotoo na may droga sa sistema nito.
Batay din sa records, nakapaglakad, nakapag-text, nakapagsalita, nakapagpalit ng damit at nakapunta sa bahay ng kaibigan si Cornejo para doon matulog matapos ang sinasabing panggagahasa.
Tinukoy pa ng hukom ang mga inconsistencies at discrepancies sa mga salaysay ng biktima.
Dahil dito, sinabi ng hukom na sa ngayon ay hindi kumbinsido ang korte sa guilt ng akusado.
Pero nilinaw ng judge na bagamat pinayagan nito ang bail petition ay magkakaroon pa ito ng pinal na assessment sa mga ebidensya matapos ang full trial.
Moira Encina