Taiwan, ipagtatanggol ng US laban sa China
Inihayag ni US President Joe Biden na ipagtatanggol ng Estados Unidos ang Taiwan kapag inatake ito ng China, na ikinukonsiderang bahagi ang isla ng kanilang teritoryo.
Ang pahayag ni Biden ay hindi sang-ayon sa matagal nang polisiya ng US na kilala sa tawag na “strategic ambiguity,” kung saan tutulong ang America na maitatag ang depensa ng Taiwan ngunit hindi tahasang nangangako na tutulungan ito.
Ito rin ang binitiwang pahayag ni Biden noong Agosto sa isang panayam, kung saan iginiit nito na laging ipagtatanggol ng US ang mga pangunahin nitong kaalyado gaya ng Taiwan, sa kabila ng ginawa nitong pag-alis sa Afghanistan sa harap ng pag-take over dito ng Taliban.
Ayon kay Biden . . . “The United States made a sacred commitment to defend NATO allies in Canada and Europe and it’s the same with Japan, same with South Korea, same with Taiwan. The US policy on Taiwan has not changed.”
Oo rin ang naging tugon ng pangulo ng US sa isang tanong mula sa audience sa live televised town hall, kung makaaagapay ba ang America sa mabilis na military development ng China.
Aniya . . . “Don’t worry about whether they’re going to be more powerful. China, Russia and the rest of the world knows we have the most powerful military in the history of the world.”
Gayunman, nagpahayag ito ng pag-aalala sa katunggaling mga bansa na baka gumawa sila ng mga aktibidad na makalilikha ng seryosong pagkakamali.
Tinukoy niya ang matagal nang relasyon kay Chinese President Xi Jinping, at inulit ang kaniyang posisyon na hindi nais ng US na muling bumangon ang Cold War sa pagitan ng America at China.
Ngunit nais aniya niyang maintindihan ng China na hindi aatras ang US.
Lumala kasi ang tila panggugulo ng China sa Taiwan, kung saan nagpakawala ito ng sunod-sunod na fighter jets at nuclear-capable bombers sa air defense zone ng Taiwan.
Ang pahayag ni Biden ay lumabas habang may nalathala ring ulat sa Financial Times, tungkol sa ginawang test ng China sa isang state-of-the art hypersonic missile na may nuclear capacity, na umikot sa mundo bago lumanding kahit na wala sa target. (AFP)