Taiwan tinamaan ng ilang lindol, umabot ng 6.1-magnitude ang pinakamalakas
Tinamaan ang Taiwan ng serye ng hindi bababa sa sampung lindol sa mga unang oras ngayong Sabado, na ang pinakamalakas ay umabot sa 6.1-magnitude ayon sa kanilang Central Weather Administration.
Walang napaulat na tsunami warning kasunod ng mga lindol, na nagdulot ng mobile phone alarms sa Taipei na kabisera ng Taiwan, at nangyari ilang araw lamang makaraan ang dose-dosenang mga lindol na nagpa-uga sa isla.
Ang pinakamalakas na 6.1-magnitude na lindol ay naganap sa labas lamang ng baybayin bandang alas-2:21 kaninang madaling araw (1821 GMT) sa lalim na 24.9 kilometro (15.5 milya).
Sinundan ito ng ilang mas maliliit na pagyanig bago ang isa pang malakas na lindol bandang alas-2:49 ng madaling araw (1849 GMT), na nangyari humigit-kumulang 40 kilometro mula sa Hualien City sa silangang baybayin, sa lalim na 18.9 kilometro.
Ayon sa weather agency ng Taiwan, kabuuang sampung lindol na may magkakaibang magnitude ang naitala makalipas ang hatinggabi.
Sinabi naman ng National Fire Agency na walang agad na ulat ng pinsala.
Nangyari ito makaraang umindayog ang mga gusali sa Taiwan sa pagsisimula ng linggong ito dahil sa serye ng mga lindol, na ang isa ay umabot sa 6.3-magnitude sa silangang Hualien.
Ayon sa gobyerno, ang mga ito ay aftershocks mula sa malakas na magnitude-7.4 na lindol na tumama sa isla mahigit dalawang linggo na ang nakalipas, na ayon sa Taiwan ay ang “pinakamalakas sa loob ng 25 taon.”
Hindi bababa sa 17 katao ang namatay makaraang magdulot ng landslides ang lindol, naharangan ang mga kalsada, at lubhang sumira sa mga gusali sa paligid ng main Hualien city.