Taiwan tinamaan ng maraming pagyanig, pinakamalakas umabot sa 6.3 magnitude
Tinamaan ng isang serye ng mga paglindol ang kabisera ng Taiwan sa nakaraang magdamag at sa maagang oras ngayong Martes, kung saan sinabi ng Central Weather Administration na ang pinakamalakas ay isang magnitude 6.3 na pagyanig sa eastern Hualien.
Ayon sa Central Weather Administration, ang unang malakas na pagyanig ay isang magnitude 5.5 na naramdaman nitong Lunes bandang ala-5:08 ng hapon (local time). Maaaring naramdaman iyon sa Taipei.
Sinundan ito ng isang serye ng aftershocks at mga pagyanig, na may dalawang ‘intense tremors’ na magkasunod na naramdaman bandang alas-2:30 kaninang madaling araw (local time), ayon sa AFP reporters at mga saksi sa Taipei.
Sinabi ng turistang si Olivier Bonifacio na nasa Da’an district sa Taipei, “I was washing my hands, and suddenly felt what I thought was vertigo. I stepped into my room and noticed the building was rocking and I heard the desk creak, it was then that I realised it was another aftershock.”
Ayon sa Central Weather Administration, na isang magnitude-6.0 na lindol ang naramdaman ng alas-2:26 kaninang madaling araw, na sinundan ng magnitude-6.3 na pagyanig makaraan ang anim na minuto.
Sabi naman sa US Geological Survey, ang nauna ay isang magnitude-6.1, sinundan ng isang magnitude-6.0.
Dose-dosenang mas maliliit na pagyanig ang naitala ng Central Weather Administration sa nakalipas na buong magdamag, na mayroong bago kada ilang minuto, batay sa kanilang website, na lahat ay pawang sa Hualien region.
Ang Hualien region ang sentro ng isang magnitude-7.4 na lindol na tumama noong April 3, na nagdulot ng landslides na humarang sa mga kalsada sa paligid ng mabundok na rehiyon, habang ang mga gusali naman sa main Hualien city ay lubhang napinsala.
Hindi bababa sa 17 ang namatay sa nabanggit na lindol, kung saan ang huling bangkay ay natagpuan sa isang quarry noong April 13.
Sa maagang oras ngayong Martes, sinabi ng fire department ng Hualien na nagdeploy ng mga team upang inspeksiyunin kung may mga sakuna mula sa bagong mga pagyanig.
Pagdating ng alas-2:54 ng madaling araw ay nagpalabas sila ng pahayag na nagsasabing wala pang naiuulat na casualties.
Ang lindol noong April 3 ay sinundan ng daan-daang aftershocks, na nagdulot ng pagkahulog ng mga bato sa paligid ng Hualien.
Iyon ang pinakagrabeng lindol na nangyari sa Taiwan simula noong 1999, nang tumama sa isla ang isang magnitude-7.6 na lindol. Ang bilang ng mga namatay noong ay higit na marami, kung saan 2,400 katao ang namatay sa itinuturing na ‘deadliest natural disaster’ sa kasaysayan ng isla.
Ngunit ang mas mahigpit na building regulations, kabilang ang pinahusay na seismic requirements sa kanilang building codes at ang mas pinalawak na public disaster awareness, ay lumitaw na pumigil sa mas malubhang sakuna sa lindol noong April 3.