Takot ng mga taga-Bohol sa banta ng terorista, pinawi ni PNP Chief dela Rosa
Pinawi ni PNP Chief PDGen. Ronald dela Rosa ang pangamba ng mga residente ng Bohol kasunod ng sagupaan ng militar, PNP at mga bandidong Abu Sayyaf.
Sinabi ni dela Rosa na walang dapat ika-alarma ang mga residente sa Bohol kasunod ng pagpasok ng mga umano’y miyembro ng bandidong Abu Sayyaf sa lugar dahil napigilan ito ng mga otoridad.
Sa ngayon kontrolado na ng PNP at AFP ang sitwasyon sa lugar at kanila na ring na-confined sa isang lugar ang mga bandidong Abu Sayyaf ng hindi na ito mag escalate pa sa ibang lugar.
Nagpadala rin ng reinforcement ang pambansang pulisya sa Inagbanga, Bohol kasunod sa nangyaring enkwentro.
Sinabi rin ng PNP chief na patuloy ang kanilang law enforcement operations sa Bohol para maaresto ang mga bandidong Abu Sayyaf na nagtangkang sumalakay sa lugar.
Inihayag din ni dela Rosa na wala silang namomonitor na direktang banta ng terorismo sa Kalakhang Maynila ngayong long holiday.
Nasa 12,000 na mga pulis ang ipapakalat ng PNP sa Metro Manila para matiyak na ligtas ang mga magsisi-uwian sa ibat ibang probinsiya.
Tiniyak nito na ginagawa nila ang lahat para maiwasan ang anumang planong pag atake ng mga terorista.