Tambalang Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar, muling nanalo sa Las Piñas City
Hindi nagpatinag ang tambalan ng mag-inang Aguilar na muling tumakbo bilang mga incumbent sa karera ng pagka-alkalde at bise alkalde sa lungsod ng Las Piñas laban sa kanilang mga katunggali.
Bunsod na rin ito ng kanilang hangaring maipagpatuloy ang mga nasimulan nilang programa sa lungsod.
Kaninang alas-10:00 ng umaga ay pormal nang iprinoklama ni Comelec Officer Atty. Eli Aringay sina incumbent Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar, sa kanilang pagkapanalo sa katatapos na 2022 National at Local elections.
Si Mayor Imelda Aguilar ay nakakuha ng 108,644 votes habang ang kaniyang anak na si Vice Mayor April Aguilar ay nakakuha naman ng 123,457.
Ang proklamasyon ay ginanap sa session hall ng Las Piñas kasama ang kanilang pamilya na sina Dra Aivee Teo, Anne Virgil Aguilar, Alelee Aguilar Andanar at Bong Nery.
Ito na ang ikatlo at huling termino ni Mayor Imelda Aguilar habang si Vice Mayor April Aguilar ay nasa ikalawang termino.
Report ni George Gonzaga