Taon kung kailan tumama ang pinakamatinding El Nino sa bansa, tinukoy
Ang 1997 ang tinukoy na taon kung kailan tumama sa bansa ang pinakamatinding El Nino.
Sa panayam ng programang Ano Sa Palagay Nyo (ASPN) ng NET25, ay sinabi ni Presidential Communication Office (PCO) Assistant Secretary at Task Force El Nino spokesperson Joey Villarama, na naitala ang matindi at malawak na pinsala ng “strong at mature El Nino” noong 1997, 2009 at 2015.
Ayon kay Villarama, “I-compare ko lang sa 1997, 2009 ang 2015 in terms of damage of area, 1997 was the worst so far 667,000 hectares yung na-damage.”
Sinabi ng opisyal, na mas malaki ito kumpara sa naitalang danyos ngayon na nasa 104,000 hectares.
Subalit naniniwala si Villarama, na maaaring lumobo pa ang pinsala dahil hindi pa tapos ang assessment mula sa malalayong lugar.
Nitong Lunes ng umaga, may ulat na umabot sa 6.3 bilyong piso ang pinsala sa agrikultura ng El Nino, ngunit inaasahang madaragdagan pa ito.
Sabi pa ni Villarama, “May possibility na yung nakukuhang figure ay hindi pa over-all figure, kaya nga po sinasabi ko na the worst is not over yet kasi pag dumating lahat ng datos sa far flung area, baka mas malaki pa ang cause of damage.”
Samantala, tiwala ito na nakatugon sila sa mga hakbang na kanilang ginawa upang maibsan ang epekto ang El Nino, ngnuit aminado na dapat ay dagdagan ang information drive upang makapaghanda rin maging ang publiko.
Sinabi ni Villarama na Pebrero pa sila nagsagawa ng massive information drive laban sa El Nino, pero nahuli ng pag-aksyon ang publiko dahil nitong Abril lamang naramdaman ang init.
Aniya, “Every 2 to 7 years, iyon pa rin ang ipatutupad siguro mas massive ang info campaign kasi po just for example, Feb nagsimula matindihang campaign na maghanda ng pagkain, pero walang pumansin kasi hindi pa na-feel yung init pero nung April, nag-ulat ng heat index dun pa lang kumilos mga tao.”
ASPN