Target na maibaba sa P20/ kilo ang bigas, posible – DAR
Posible raw na maibaba sa P20 ang kada kilo ng bigas gaya ng pahayag ni President elect Bongbong Marcos.
Ayon sa Department of Agrarian Reform ito’y kapag ginawa ang kanilang panukalang mega farms projects sa ilalim ng programang benteng bigas sa mamamayan.
Sa kanila raw ginawang pag- aaral maaring pagsama samahin ang mga lupang pag- aari ng mga magsasaka na benipisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program para gawing taniman ng palay.
Aabot sa 150 ektaryang lupain ang maaring gamiting sakahan na kaya umanong mag produce ng 142 kaban ng bigas sa kada isang ektarya.
Sa datos ng DAR, aabot na sa may 4.9 million ang naipamahaging lupa sa mga magsasaka sa ilalim ng CARP na maaring makatuwang ng gobyerno.
Sa datos naman ng National Irrigation Administration aabot na sa 1.6 million ektarya ng sakahan ang nalagyan ng libreng patubig at mahigit 2 milyong ektarya pa ang inaayos na malagyan ng patubig.
Ang mga magsasaka maari raw tulungan ng gobyerno sa pamamagitan ng direktang pagbibigay ng binhi abono at iba pang ayuda para bawasan ang patong patong na layer dahilan kaya nagmamahal ang produksyon ng bigas.
Pero inamin ng DAR na ito ay panukala pa lamang at nasa political will ng susunod na administrasyon kung magkakaroon ng katuparan.
Meanne Corvera