Tarzan actor na si Joe Lara, ipinalalagay na patay na matapos bumagsak ang sinasakyang eroplano
WASHINGTON, United States (AFP) – Ipinalalagay na patay na ang lahat ng pitong pasahero ng isang eroplano, kabilang ang Tarzan actor na si Joe Lara at asawa nitong diet guru, matapos bumagsak sa isang lawa malapit sa Nashville City.
Ayon sa Rutherford County Fire & Rescue (RCFR), ang maliit na business jet ay bumagsak bandang alas once ng umaga (local time) nitong Sabado, ilang sandali matapos magtake off mula sa Smyrna Tennessee airport para sana magtungo sa Palm Beach, Florida.
Ang eroplano ay bumagsak sa Percy Priest Lake, nasa 12 milya (19 na kilometro) sa timog ng Nashville.
Kinumpirma ng Federal Aviation Administration, na pito katao ang lulan ng eroplano.
Sinabi ni RCFR incident commander Captain Joshua Sanders, na noong Sabado ng gabi, ang operasyon ay naging recovery efforts na mula sa search and rescue.
Aniya . . . “We are no longer in an attempt to (look) for live victims at this point so we’re now recovering as much as we can from the crash site.”
Nitong Linggo ng hapon, sinabi ng RCFR na ang recovery operations ay nakakita ng ilang components ng eroplano maging ng labi ng tao sa isang debris field, na may kalahating milya ang lawak, at magpapatuloy ang operasyon hanggang gabi at muling ipagpapatuloy, Lunes ng umaga.
Si Lara ay pumapel bilang Tarzan sa 1989 television movie na “Tarzan in Manhattan.” Kalaunan ay siya rin ang gumanap bilang Tarzan sa television series na “Tarzan: The Epic Adventures,” na umere mula 1996 hanggang 1997.
@Agence France-Presse