Task Force Against Corruption, hindi oobligahin ang mga opisyal ng gobyerno na magsumite ng kanilang SALN
Walang plano ang Task Force Against Corruption na obligahin ang mga opisyal ng ibang ahensya ng pamahalaan na magsumite ng kanilang Statement of Accounts, Liabilities and Networth (SALN).
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra kasunod ng hakbang ng mga Department of Transportation (DOTr) officials na isumite ang kanilang SALN sa Task Force.
Sinabi ni Guevarra na maaari nilang kailanganin ang SALN ng isang opisyal o kawani ng gobyerno kung ito ay kasama sa iniimbestigahan ng Task Force.
Magagamit anya ng Task Force Against Corruption ang SALN na magpapakita ng assets o yaman na ‘grossly disproportionate’ sa sahod bilang posibleng indikasyon ng katiwalian sa mga opisyal ng DOTr na sinasabing sangkot sa korapsyon.
Pero, nilinaw ng kalihim na hindi nila oobligahin ang ibang ahensya na isumite ang SALN ng kanilang mga opisyal at empleyado dahil alam naman nila kung saan ito pwedeng kunin kung sakaling kailanganin.
Ayon kay Guevarra, inisyatiba ng DOTr ang pagsusumite ng SALN ng mga opisyal at tauhan nito.
Nabanggit anya ito ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa isa sa mga naging pagpupulong ng task force kasama si Pangulong Rodrigo Duterte
Moira Encina