Task Force Against Corruption ipauubaya muna sa COA ang pag-iimbestiga sa sinasabing ‘deficiencies’ sa paggamit ng DOH sa COVID-19 funds
Hindi muna pakikialamanan ng Task Force Against Corruption (TFAC) ang sinasabing ‘deficiencies’ sa paggamit ng DOH sa mahigit P67-B pondo para sa COVID-19 response.
Ayon kay Justice Sec. at TFAC Chair Menardo Guevarra, binibigyan ng oportunidad ang anumang ahensya ng pamahalaan na ipaliwanag o itama ang mga deficiencies na napuna ng Commission on Audit (COA) sa audit report nito.
Aniya gaya ng ibang ahensya, ang DOH ay pagkakalooban ng makatwirang pagkakataon para tumugon o sumunod sa rekomendasyon ng COA.
Sinabi ng kalihim na papasok lamang ang TFAC sa isyu kung mabibigo ang DOH na makatugon o makapagbigay ng katanggap-tanggap na paliwanag ukol sa sinasabing deficiencies.
Paliwanag ni Guevarra, hindi lang sa mga paglabag sa
accounting at auditing rules and regulations maaaring pananagutin ang mga responsableng opisyal.
Aniya puwede ring habulin ang mga ito para sa mas mabigat na paglabag sa batas gaya sa Anti- Graft at Government Procurement law kaya sa oras na iyon lamang mag-iimbestiga ang task force.
Moira Encina