Task Force PhilHealth isinasapinal pa ang mga reklamong isasampa laban sa mga opisyal ng PhilHealth
Nilinaw ng Department of Justice o DOJ na ang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang rekomendasyon ng Task Force PhilHealth na sampahan ng reklamo o complaint ang mga opisyal ng PhilHealth na sangkot sa mga kurapsyon sa ahensya.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na pinagtibay ng Pangulo ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga pangunahing PhilHealth officers.
Ipinaliwanag ni Justice Undersecretary at Spokesperson Markk Perete na kung nagsampa ng kaso ay sasailalim na ito sa pagdinig ng hukuman.
Pero kung naghain pa lang ng reklamo ay dadaan pa ito sa preliminary investigation sa piskalya.
Kaugnay nito, inihayag ni Perete na ihahain ng Task Force ang mga reklamo sa oras na makumpleto at maisapinal na ang lahat ng mga dokumento.
Maaari anyang ihain ang kriminal at administratibong reklamo sa Office of the Ombudsman o kaya ay sa piskalya para sa criminal complaints, depende sa krimen at ranggo ng respondent.
Kabilang sa inirekomenda ng Task Force na ipagharap ng mga reklamo ay si dating PhilHealth President Ricardo Morales at anim na iba pang opisyal ng korporasyon.
Moira Encina