Tatlo katao arestado sa World Cup qualifier makaraang insultuhin ang national anthem ng China
Tatlo katao ang inaresto makaraang tumalikod ng mga ito at manatiling nakaupo, nang patugtugin na ang pambansang awit ng China sa ginanap na World Cup qualifier sa Hong Kong stadium, kung saan nagharap ang Hong Kong at ang Iran.
Karaniwan nang bino-boo ng football fans sa Hong Kong ang national anthem bilang pagpapakita ng political discontent, ngunit ipinagbawal ito ng gobyerno noong 2020 bilang bahagi ng mas malawak na crackdown kasunod ng malalaking democracy protests sa lungsod.
Ayon sa pulisya, “Two men and a woman were arrested because they ‘turned their backs toward the pitch and did not stand’ for the playing of the national anthem.”
Binigyang-diin ng pulisya na sinumang magpakita sa publiko ng intensiyunal na pag-insulto sa national anthem sa anumang paraan ay nakagagawa ng isang krimen.
Ang tatlong inaresto ay nasa pagitan ng edad 18 at 31. Kung mapatunayang nagkasala ay nahaharap sila ng hanggang tatlong taon sa bilangguan at multang HK$50,000 ($6,400).
Ang Hong Kong ay isang special administrative region ng China, ngunit ginagamit nito ang sariling pangalan sa mga kumpetisyon sa maraming international sports, kabilang na ang football.
Sa panahon ng magulong pulitika noong 2010s, ang Hong Kong team ay naging kasangkapan para sa civic pride at paminsan-minsan ay anti-government sentiment.
Nang mga panahong iyon, ang Chinese national anthem ay karaniwan nang nilulunod ng mga “boo” bago ang Hong Kong matches, na ikinagalit ng local at mainland officials.
Di-nagtagal pagkatapos na ipataw ng Beijing ang malawakang batas sa pambansang seguridad sa Hong Kong noong 2020, nagpasa ang finance hub ng hiwalay na lokal na batas na nagsasakriminal sa mga pag-insulto sa national anthem.