Tatlo patay, 28 nasaktan sa banggaan ng tren sa Indonesia
Patay ang tatlo katao at hindi bababa sa 28 ang nasaktan nang magbanggaan ang dalawang tren sa main island ng Java sa Indonesia.
Nangyari ang banggaan kaninang ala-6:03 ng umaga, malapit sa rice fields sa Cicalengka sa West Java province na naging sanhi upang bumaligtad ang maraming bagon ng tren.
Sinabi ni Ayen Hanepi, isang tagapagsalita para sa railway operator na PT KAI, “We have identified one of the victims as the steward for the Turangga train. The rest have not been identified.”
Aniya, ang nagbanggaan ay kinasasangkutan ng Turangga train, isang intra-city line na tumatakbo mula sa Surabaya sa East Java patungo sa lungsod ng Bandung, at isang local train.
Dagdag pa niya, ang Turangga train ay may lulang 287 mga pasahero, habang ang 191 katao naman ang sakay ng local commuter line.
Ayon naman sa provincial police spokesman na si Ibrahim Tompo, lahat ng mga pasahero ay nailikas habang ang mga nasaktan ay dinala sa isang lokal na ospital.
Hindi na bago ang transport accidents sa Indonesia, kung saan ang mga bus, tren at maging mga eroplano ay malimit na luma na at hindi naaalagaan.
Noong 2015, 16 katao ang namatay nang magbanggaan ang isang commuter train at isang minibus sa isang level crossing sa Jakarta.
Pito naman ang nasawi at maraming iba pa ang nasaktan noong 2013, nang bumangga ang isang commuter train sa isang fuel tanker sa isa ring level crossing sa Jakarta na sanhi upang ito ay magliyab.