Tatlo patay, higit 800 ang nasaktan sa nangyaring lindol sa northwest Iran
Hindi bababa sa tatlo ang nasawi at higit 800 naman ang nasaktan, matapos tumama ang isang 5.9-magnitude na lindol sa northwestern Iran sa rehiyon na malapit sa hangganan sa Turkey.
Nagsilabas sa kani-kanilang tahanan ang nag-panic na mga residente, habang gumuguho ang mga gusali at ang mga sasakyan ay nawasak nang mabagsakan, at daan-daan ang naghanap ng mapagkakanlungan sa evacuation centers sa gitna ng matinding lamig at 20 aftershocks na naramdaman sa rehiyon.
Ayon sa Seismological Center ng University of Tehran, ang mababaw na lindol ay tumama sa lungsod ng Khoy, na may populasyon na humigit-kumulang 200,000, sa West Azerbaijan province.
Sinabi ni West Azerbaijan governor Mohammad Sadegh Motamedian, na ang “insidente ay nag-iwan ng 816 na nasaktan at tatlong patay.”
Batay sa report ng state news agency, ang mga gusali sa 70 villages ay pininsala ng lindol, at nagsagawa rin ng clearing operation ang mga rescuer upang makuha ang mga na-trap sa lugar humigit-kumulang 800 kilometro o 500 milya sa hilagang-kanluran ng Tehran.
Kalaunan ay inanunsiyo ng hepe ng Red Crescent Society ng Iran na si Pirhossein Koolivand, na tinapos na ang search and rescue operations, kung saan wala nang survivors o mga pinaniniwalaang na-trap.
Ayon pa sa report, nagtungo sa Khoy ang interior minister ng Iran na si Ahmad Vahidi upang obserbahan ang sitwasyon, kung saan sinabi niya na ang tubig, kuryente at gas connections ay naapektuhan ngunit naibalik na.
Ang Iran ay nasa mga hangganan ng ilang major tectonic plates ay malimit makaranas ng seismic activity.
Nito lamang nakalipas na January 18, isang 5.8-magnitude an lindol ang tumama rin sa Khoy kung saan daan-daan ang nasaktan.
Noong Pebrero 2020, isang 5.7-magnitude na lindol ang tumama sa western Turkey village ng Habash-e Olya na ikinasawi ng siyam katao.
Ang pinakagrabeng naitalang lindol sa Iran ay ang 7.4-magnitude noong 1990, na ikinamatay ng 40,000 katao, 300,00 naman ang nasaktan at kalahating milyon ang nawalan ng tahanan sa bahaging hilaga ng bansa.
© Agence France-Presse