Tatlo patay sa pananalasa ng Storm Gerrit sa Britanya
Humangos sa River Esk malapit sa bayan ng Glaisdale ang emergency services, makaraan ang ulat na isang sasakyan ang nahulog sa ilog.
Ayon sa North Yorkshire Police, “The vehicle was recovered from the river by the fire service. Sadly, the three men inside have died.”
Isa pang lalaki na nagtangkang tumulong sa mga ito na hindi naman nasaktan ay narekober din.
Dagdag ng pulisya, “The weather conditions were making driving hazardous.”
Ilang rehiyon sa UK, partikular sa Scotland at northern England, ang lubhang naapektuhan ng Storm Gerrit simula pa noong Miyerkoles, na may dalang malakas na mga pag-ulan at yelo.
Nakapagtala ng lakas ng hanging aabot sa 136 kilometro bawat oras (85 milya bawat oras) sa Aberdeenshire sa Scotland.
Ayon sa Met Office ng UK, isang supercell thunderstorm ang nagdulot ng pinsala sa Greater Manchester noong Miyerkoles ng gabi, na nagpapahiwatig na malamang na magkaroon ng isang tornado.
Libu-libong mga tahanan ang wala pa ring kuryente sa Scotland hanggang Huwebes ng hapon, habang naantala naman matapos kanselahin ang mga biyahe ng tren at eroplano.
Ipinagpaliban din ang biyahe ng mga ferry sa pagitan ng Dover at France, dahil naman sa malakas na hangin sa Channel.