Tatlong bagong COVID-19 variant, pinangangambahang kumalat

Matapos matuklasan sa Europe at America, tatlong bagong COVID-19 variants ang pinangangambahang kumalat.

Ito ay ang Deltacron o Delmicron, Flurona at IHU.

Ang World Health Organization (WHO), ang may awtorisasyong kumpirmahin ang mga nabanggit na variant at determinahin kung ang mga ito ay “Variant under Monitoring” (VUM), “Variant of Interest” (VOI), o “Variant of Concern” (VOC).

Batay sa international report, may 25 kaso na ng Deltacron na natukoy sa Cyprus.

Ang Deltacron ay nakitaan ng 10 mutations mula sa Omicron variant, habang ang genetic background nito ay katulad ng Delta variant.

Posible umanong may nabuong bagong variant na resulta ng pagpapalit-palit ng genes ng Delta at Omicron.

Nakita namam sa 12 pasyente sa France ang IHU variant na may 46 na mutations. Subali’t hindi pa batid kung gaano kabagsik at kung gaano kabilis ang transmission nito, kaya’t kailangang isailalim pa sa dagdag na mga pagsusuri.

Sa kabilang dako ay natagpuan ang Flurona sa dalawang pasyente sa America at isa sa Israel. Ang Flurona ay ang pinaghalong impeksiyon ng influenza o flu at ng Covid-19.

Pinawi naman ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng mga Filipino, at sinabing wala pa sa Pilipinas ang nasabing mga variant.

Please follow and like us: