Tatlong bata sa Indonesia, patay sanhi ng isang misteryosong sakit sa atay
Inihayag ng Health Ministry ng Indonesia, na tatlong bata ang namatay sanhi ng isang misteryosong sakit sa atay, kaya umakyat na sa apat ang bilang ng namatay sa buong mundo bunga ng nasabing sakit na ipinagtataka ng mga doktor mula US hanggang Asya.
Sinabi ng World Health Organization (WHO), na ang matinding strain ng acute hepatitis ay natukoy sa halos 230 bata sa 20 bansa, na nagpalala sa mga alalahanin sa malamang na pinagmulan ng sakit.
Ang mga sintomas na nagpapahirap sa mga bata ay kinabibilangan ng pagduduwal, pagsusuka, pagtatae at pananakit ng tiyan — bago magpakita ng mga palatandaan ng pamamaga ang kanilang mga atay. Isang bata na ang naunang naiulat na namatay.
Sinabi ng Health Ministry ng Indonesia na tatlong bata ang namatay sa mga pagamutan sa Jakarta noong nakaraang buwan, matapos kakitaan ng ilan sa mga nabanggit na sintomas.
Ayon kay Indonesian Health Ministry spokesperson Siti Nadia Tarmizi, ang mga bata na edad dalawa, walo at labing-isa ay nagkaroon din ng lagnat, paninilaw ng balat, nakaranas ng kombulsiyon at pagkawala ng malay.
Aniya . . . “At the moment, we suspect the cases as acute hepatitis but we need to confirm that they are not due to known hepatitis viruses A, B, C, D, and Rb.”
Kasalukuyan na aniyang iniimbestigahan ng Health Ministry ang sanhi ng sakit sa pamamagitan ng pagsasagawa ng full panel ng virus tests.
Nanawagan din siya sa mga magulang na agad dalhin ang kanilang anak sa ospital kapag nagpakita ang mga ito ng alinman sa mga naturang sintomas.
Ang paglitaw na ito ng isang posibleng bagong sakit na ang apektado lamang ay maliliit na bata na karamihan ay wala pang 10 taong gulang na wala namang ibang sakit, ay lubhang ipinangangamba ng global health community na hindi pa tapos makipaglaban sa Covid-19.
Ayon sa WHO, karamihan sa mga kaso ay lumitaw sa Europa, partikular sa Britanya kung saan mayroong “hindi inaasahang lubhang pagtaas” sa kaso sa mga batang maliliit na malulusog naman.
Sa Estados Unidos, ang Centers for Disease Control and Prevention o CDC, ay naglathala ng isang pag-aaral nitong Biyernes tungkol sa isang cluster sa Alabama, kung saan siyam na mga bata ang nagpositibo rin para sa isang pangkaraniwang pathogen na tinatawag na adenovirus 41.
Ang pathogen ay kilalang nagdudulot ng gastroenteritis sa mga kabataan.
Subali’t ayon sa ahensiya . . . “It is not usually known as a cause of hepatitis in otherwise healthy children.’
Ang Adenoviruses ay karaniwang naikakalat sa pamamagitan ng close personal contact, respiratory droplets at surfaces. Mayroong higit sa 50 uri ng adenoviruses, na karaniwang nagiging sanhi ng sipon, at maging ng maraming iba pang mga sakit.