Tatlong egyptians, arestado dahil sa umano’y pagtatapon ng libu-libong unused Covid vaccines
Tatlo katao na inaakusahang nagtapon ng libu-libong unused Covid-19 vaccines, ang inaresto ng Egyptian authorities.
Ang nabanggit na mga bakuna ay natagpuan noong nakalipas na linggo sa water drain ng isang lungsod na nasa timog ng Egypt.
Ayon sa pahayag na inilabas ng public prosecution sa kanilang social media accounts, natuklasan ng isang investigative committee sa ginawa nilang inventory sa Minya health directorate storage na nagkakahalaga ng 5,023,200 pounds o 319,000 dollars, na kulang ng 18,400 doses ang mga bakuna.
Nakasaad pa sa pahayag, na ang 13,412 doses ay natagpuang itinapon, at hindi na maaaring gamitin dahil sa poor storage conditions at insufficient cooling, habang may 4,988 doses pang nawawala.
Hindi naman tinukoy kung ano ang brand ng nabanggit na mga bakuna.
Ang Minya governorate ay higit 200 kilometro mula sa Cairo.
Ang tatlong inaresto ay kinabibilangan ng isang pharmacist, driver at storage inspector na pawang nagtatrabaho sa health ministry.
Ayon sa public prosecution, mahaharap ang mga ito sa kasong gross negligence at misappropriations of public funds, at mananatiling nakaditini habang nakapending pa ang imbestigasyon.
Noong nakaraang linggo, napuno ang social media ng images ng abandonadong mga bakuna, at maraming online users ang nanawagan na papanagutin ang mga gumawa noon.