Tatlong indibiduwal arestado ng NBI sa Pasay City dahil sa iligal na pagbebenta ng COVID-19 medicines
Huli sa entrapment operation ng NBI sa Pasay City ang tatlong indibiduwal dahil sa sinasabing hindi otorisadong pagbebenta ng medisina na ginagamit sa paggamot sa COVID-19 patients.
Kinilala ang mga inaresto na sina Karen Amero, Ronaldo Ceriola, at Erickson Soriano.
Ikinasa ng NBI ang operasyon kasunod ng sulat mula sa Food and Drug Administration (FDA) na humihiling na imbestigahan ang sinasabing iligal na pagbebenta online ng COVID-19 medicines gaya ng Remdesivir.
Ang mga nasabing gamot ay ibinibenta sa mga online platforms gaya ng Facebook, Shopee at Lazada.
Sa abiso ng FDA, ang Remdesivir ay wala pang Certificate of Product Registration at hindi pa aprubado para sa paggamot ng COVID kaya hindi pa ito puwede ibenta sa merkado.
Sinabi ng NBI na pinapayagan lang ang nasabing gamot sa mga ospital o doktor na binigyan ng Compassionate Special Permit (CSP).
Nagsagawa ng test-buy ang mga FDA personnel kung saan nakumpirma ang hindi otorisadong bentahan ng Remdesivir.
Pagkatapos nito ay nakipag-ugnayan ang NBI sa mga otoridad at nagsagawa ng buy-bust operation sa Crestly Building sa Perla St. sa Pasay City.
Nadakip sa lugar ang mga suspek na sina Amero na nagpakilalang office manager ng LMCSL Trading at Ceriola at Soriano na driver ng establisyimento.
Nabatid na walang license to operate mula sa FDA ang LMCSL Trading sa Pasay.
Nasabat naman sa operasyon ang iba’t ibang gamot kasama na ang Ivirem-Remdesivir.
Nakakulong na sa NBI Detention Facility ang tatlo at sinampahan na rin sa piskalya ng mga reklamong paglabag sa FDA law at Philippine Pharmacy Act.
Moira Encina