Tatlong Israeli medical experts dumating sa bansa para tumulong sa PH vaccine rollout
Tutulong ang Israel para mapagbuti pa ng Pilipinas ang sistema ng pagbabakuna sa mga mamamayan laban sa COVID-19.
Pinangunahan ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez ang pagsalubong sa tatlong eksperto mula sa Israel Ministry of Health.
Ang mga ito ay sina Dr. Avraham Ben-Zaken, Dr. Dafna Segol, at Dr. Adam Segal.
Ilan sa mga ibabahagi ng Israeli experts sa Pilipinas ay ang iba’t ibang vaccination rollout models nito.
Sinabi ni Galvez na sabik ang National Task Force Against COVID-19 na matutunan ang mga istratehiya at techniques ng Israel sa matagumpay nitong vaccination program.
Nagpasalamat din si Galvez sa mga Israeli experts sa kanilang pagtungo sa Pilipinas para tumulong na makamit ng bansa ang herd immunity sa taong ito.
Ayon sa NTF, oobserbahan ng Israeli medical team ang deployment at vaccination system sa bansa at magbibigay ng rekomendasyon para ito ay mapaghusay pa.
Ang Israel ang nanguna sa buong mundo sa pagbabakuna sa populasyon nito kaya tinanggal na ang mga COVID-19 restrictions sa nasabing bansa.
Dahil dito, balik na sa normal at bukas na muli ang mga restaurants, hotels, pamilihan, national parks, sporting venues, at concerts sa Israel.
Moira Encina