Tatlong milyong pisong halaga ng ketamine nasamsam mula sa isang Taiwanese national
Humigit-kumulang tatlong milyong pisong halaga ng ketamine ang nasamsam ng anti-drug authorities ng Makati City, mula sa isang Taiwanese national sa isinagawang controlled delivery operation.
Sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency-Central Luzon (PDEA-3), nakilala ang suspek na si Chang Bin Yen, 33, at residente ng Tainan, Taiwan.
Ang package na naglalaman ng ketamine na idineklara bilang air purifier, ay dumating sa Bureau of Customs-Port of Clark noong Mayo 12.
Ayon sa PDEA-3 . . . “Ketamine is a dangerous drug classified as a hallucinogenic drug. It can sedate, incapacitate, and cause short-term memory loss, and because of this, some people use it as a date-rape drug.”
Nakumpiska sa isinagawang operasyon ang dalawang kahon kung saan nakatago ang anim na piraso ng stainless steel water purifier, na naglalaman ng 600 gramo ng ketamine.
Ang controlled delivery operation ay magkasanib na isinagawa ng PDEA-Central Luzon, Bureau of Customs- Port of Clark, Southern Police District, at Makati City Police.