Tatlong palapag na bagong gusali ng Provincial Mobile Force Company, pinasinayaan
Sa pangunguna nina Regional Director Police Brigadier General Rodolfo S. Azurin Jr, Provincial Director Police Coronel Ronald Gayo, at 6th Dist. Representative Tyrone Agabas, ay pinasinayaan ang tatlong palapag na bagong gusali ng Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa Tayug, Pangasinan.
Ang nasabing gusali ay sinimulang itayo noong Agosto ng nakaraang taon at nakatakda sanang tapusin nitong Mayo ng kasalukuyang taon, subalit naantala dahil sa pandemya.
Sinabi ni Regional Director Azurin, na ang nabanggit na gusali ay isang state of the art facility, at simbolo ng bayanihan na produkto ng sama-samang pagtutulungan at suporta ng mga stakeholder.
Dagdag pa niya, ang PMFC ay nakapagtala ng maraming tagumpay gaya ng pagbuwag sa lokal na grupo ng mga komunista, sa pamamagitan ng kanilang Oplan Panagsubli o pagpapabalik loob sa mga dating rebelde.
Lubos naman ang pasasalamat ni Representative Agabas sa Pangulo sa pagbibigay ng maraming benipisyo sa PNP sa kanilang lugar.
Aniya, marami pang house bills ang tinatalakay sa House of Representatives na para sa mga kapulisan, na mag-aangat sa kanilang kinabukasan.
Dagdag pa ng mambabatas, hindi matatawaran ang sakripisyo ng mga lalaki at babaeng miembro ng pambansang pulisya, ngayong may pandemya.
Ulat ni Juvy Barraca