Tatlong Pinoy patay sa baha sa UAE
Inanunsiyo ng mga opisyal na tatlong manggagawa mula sa Pilipinas ang namatay sa matinding pagbaha sa United Arab Emirates (UAE).
Batay sa pahayag ng Department of Migrant Workers (DMW), dalawang babae ang na-suffocate sa loob ng kanilang sasakyan sa kasagsagan ng baha, at isang lalaki naman ang namatay nang mahulog ang kaniyang sasakyan sa isang sinkhole.
Ang babae na namatay sa Dubai, ay ang unang kumpirmadong pagkamatay dahil sa mga pagbaha sa siyudad, habang ang lalaki ay namatay sa Sharjah, ayon sa media officers mula sa kagawaran.
Dahil dito, umakyat na sa apat ang bilang ng mga namatay makaraang isang sitenta anyos na lalaki naman ang binawian din ng buhay nang tangayin ng baha ang kaniyang sasakyan sa Ras Al-Khaimah, isa sa pitong emirates ng estado.
Ayon sa pahayag, “The two females died due to suffocation inside their vehicle during the flooding. The third victim died due to major injuries sustained from an accident when his vehicle fell into a sinkhole at the height of the flooding.”
Sa ulat ng official media, ang mga bagyo ay tumama sa UAE at Bahrain noong Martes matapos na magdulot ng flash floods at landslides sa Oman, kung saan hindi bababa sa 21 katao ang namatay kabilang ang ilang mga bata.
Partikular na lubhang naapektuhan ang financial center ng Gitnang Silangan, ang Dubai, na dumanas ng malalakas na mga pag-ulan, na pinakamatindi simula nang umpisahan ang pagtatala 75 taon na ang nakalilipas.
Ang Dubai airport na pinakaabalang paliparan para sa international travelers, ay nagkansela ng mahigit sa isanglibong flights, habang lubog pa rin sa matinding baha ang mga kalsada kung saan nagkalat ang mga abandonadong sasakyan.