Tatlong sinasabing biktima ni Quiboloy, lumapit sa DOJ
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na may tatlong nagpakilalang biktima ni Apollo Quiboloy ang lumapit na sa kagawaran.
Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty, beberipikahin nila ang mga pahayag at reklamo ng mga sinasabing biktima.
Tiniyak ni Ty na handa rin ang DOJ na tanggapin ang mga ito sa Witness Protection Program (WPP), kung papasa ang mga ito sa kuwalipikasyon.
Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty
Ayon kay Ty, “Hihimukin namin sila na kung gusto nilang magkaso puwede silang magkaso, nandyan ang suporta ng DOJ at WPP. Sa ngayon ang mga nakikita namin mukhang legitimate na biktima, tunay na biktima. Kailangan din naming mag-ingat konti, malay natin may tanim dyan.”
Bukod sa tatlo,, sinabi ni Ty na may mga lumutang pa na limang biktima sa Davao.
Aniya, “Yung mga biktima bukas kami na tanggapin, marinig ang inyong kwento at kung handa na kayong magkaso tutulungan namin kayong magkaso.”
Samantala, inihayag ni Ty na nakausap na niya ang ilang opisyal ng DILG kaugnay sa mga reklamo laban sa mga taong tumulong na magtago kay Quiboloy.
Ayon sa opisyal, inirekomenda niya sa DILG na sa DOJ na lang ihain ang mga asunto laban sa mga nagkanlong sa KOJC leader.
Sinabi ni Ty, “Para sa amin kung gusto nilang ituloy ang kaso laban sa mga nagkanlong kay Quiboloy maaari nilang ihain yan sa head office.’
Moira Encina-Cruz