Tatlong TV stations sa Ecuador nakatanggap ng letter bombs, ang isa sumabog
Tatlong letter bombs na naka-address sa mga mamamahayag ang ipinadala sa tatlong TV stations sa Ecuador, na ang isa ay sumabog ngunit wala namang naging casualties.
Ayon sa tanggapan ng prosecutor, binuksan na nito ang isang imbestigasyon sa krimen ng ‘terorismo,’ nang walang binabanggit kung bakit ang tatlong nasabing istasyon ang tinarget, o kung sino ang tumarget dito.
Sa port city ng Guayaquil, nakatanggap ang mamamahayag na si Lenin Artieda ng Ecuavisa private TV station ng isang envelope na naglalaman ng isang pen drive na sumabog nang isaksak niya sa isang computer, ayon sa kaniyang employer.
Sinabi ng police official na si Xavier Chango, nagtamo si Artieda ng light injuries sa isa niyang kamay at mukha. Wala nang iba pang nasaktan.
Ayon kay Chango, “The USB drive sent to Artieda could have been loaded with RDX, a military-type explosive.”
Sa iba pang lugar sa Guayaquil sa timog-kanluran ng Ecuador, sinabi ng prosecutor’s office na nakatanggap din ng isang letter bomb ang tanggapan ng TC Television.
Kalaunan ay sinabi naman ng Teleamazonas chain na sila man ay nakatanggap din ng isang USB stick sa kanilang tanggapan sa Quito “na kapareho” ng ipinadala sa Ecuavisa.
Una nang sinabi ni Chango, na iniimbestigahan ng mga pulis ang dalawang hinihinalang envelopes na ipinadala sa media outlets sa kapitolyo, ngunit ang ika-apat na kaso ay hindi pa nakukumpirma.
Ayon sa Fundamedios NGO na nagtataguyod para sa kalayaan sa pamamahayag, ang tatlong “pag-atake ay gumamit ng parehong modus operandi.”
Sinabi nito sa isang pahayag, na ang mga envelope na may USB sticks ay naka-address kay Artieda maging kay Mauricio Ayora ng TC Television at Milton Perez ng Teleamazonas.
Ang envelope na naka-address kay Artieda ay naglalaman ng pagbabanta laban sa kaniya, ayon sa Fundamedios.
Ang isa naman na ipinadala sa Teleamazonas, ay naglalaman ng note na nagsasabing ang stick ay may mga impormasyon tungkol sa “Correismo,” isang political movement na ipinangalan sunod sa dating pangulo na si Rafael Correa.
Nakasaad pa sa pahayag ng Fundamedios,“The letters represented “a new escalation in violence against the press,” kaya nanawagan ito ng agarang pagkilos mula sa estado.
Sa pahayag naman ng gobyerno ay sinabi nito, “The government categorically rejects any form of violence perpetrated against journalists and media outlets. Any attempt to intimidate journalism and freedom of expression are repugnant.”
Kinondena rin ng CDH human rights watchdog ang pag-atake sa media.
Ang Ecuador ay nasa gitna ng Colombia at Peru, ang dalawang pinakamalaking cocaine producers sa buong mundo, at naging global drug trade hub na rin nitong nakalipas na mga taon.
Ang Guayaquil ang isa sa pinakamagulong siyudad, kung saan malimit magkaroon ng sagupaan sa pagitan ng criminal gangs na nag-aaway tungkol sa drug trafficking routes.
© Agence France-Presse