Taunang produksiyon ng Toyota, apektado ng chip shortage
Inihayag ng top-selling carmaker sa buong mundo na Toyota, na hindi na nila inaasahang maaabot pa ang kanilang annual production target, dahil ang kanilang operasyon ay apektado ng global chip shortage.
Maraming automakers kabilang ang Toyota, ang napilitang mag-slowdown o pansamantalang tumigil sa produksiyon bunsod ng pandaigdigang kakulangan sa microchips na isang mahalagang piyesa ng mga modernong sasakyan.
Noong Setyembre, binawasan ng Japanese giant ang bilang ng mga sasakyan na inaasahan nitong mayayari ngayong taon mula Marso, sa siyam na milyon o mas mababa kaysa 9.3 million.
Subali’t kahapon, Martes ay sinabi ng kompanya na muli silang nagbawas sa planong bumper factory output para sa susunod na buwan, kaya’t malabo nang maabot pa nila ang bagong target.
Pahayag ng Toyota . . . “Current demand is very strong, therefore we were aiming for a high February production plan. But due to the impact of the continuing demand for semiconductors across all industries, we had reduced our global production target for February to around 700,000 units, some 150,000 fewer than before.”
Resulta nito, ang full-year production forecast para sa fiscal year ay inaasahang mas mababa kaysa naunang forecast na nine million units.
Pero ang target para sa susunod na buwan ay mas mataas pa rin kaysa 668,000 units na ginawa ng Toyota noong February 2021, kahit na nagkukumahog itong makabawi sa nawalang output dahil sa semiconductor shortage at pandemic disruptions sa mga supply chain sa Southeast Asia.
Nilinaw naman ng kompanya na ang nabanggit na targets ay para lamang sa Toyota at Lexus vehicles, at hindi sa iba pang brand ng auto group na Daihatsu at Hino.
Ayon sa Toyota, ititigil nila ang operasyon ng ilang araw sa susunod na buwan sa kanilang 11 production lines sa walo sa 14 nilang Japanese plants.
Humingi naman ng paumanhin ang kompanya sa kanilang customers at suppliers para sa iba’t-ibang “inconveniences” na idudulot ng nabanggit na mga adjustment.