Taylor Swift at Shakira nagningning sa MTV Video Music Awards

Taylor Swift was among the big winners at the 2023 MTV Video Music Awards (AFP)

Napanalunan ni Taylor Swift ang top trophy sa MTV Video Music Awards, habang tinanggap naman ni Shakira ang prestihiyosong Video Vanguard honor sa gabi ng parangal.

Napanatili ni Swift ang pagrereyna sa mundo ng musika makaraang mapanalunan ang maraming awards kabilang ang Best Song, Best Pop at Best Direction, maging ang top competitive award para sa Video of the Year, para sa kaniyang hit song na “Anti-Hero.”

Nagkaroon naman ng reunion onstage sa unang pagkakataon sa loob ng isang dekada ang turn-of-the-millennium teen heartthrobs na NSYNC, upang iprisinta kay Swift ang Best Pop award.

Taylor Swift accepts the award for Best Pop Video, presented by a reunified NSYNC (AFP)

Sa kaniyang pagsasalita matapos tanggapin ang top prize ng gabi na napanalunan din niya noong 2022 ay sinabi ni Swift, “This is unbelievable. I just want to say that the fact that this is a fan-voted award means so much to me.”

Ang viral Bronx rapper na si Ice Spice na nagkaroon din ng kolaborasyon kay Swift, ang nag-uwi sa Best New Artist.

Ang made-for-broadcast show, ay idinaos sa Prudential Center ng Newark.

Samantala, napaulat na isang camera operator ang naatasang kunan ng video si Swift sa kabuuan ng show, mula umpisa hanggang matapos.

Gayunman, ang halos apat na oras na palabas na kinapalooban ng nasa 20 pagtatanghal ay natapos nang hindi namigay ng mga parangal sa ilang kategorya, kabilang ang para sa Artist of the Year, na sa unang pagkakataon ay paglalabanan ng pawang mga babaeng artist kasama sina Swift, Shakira at Beyonce.

Si Lil Wayne ang nagbukas ng show bilang parangal sa ika-50 anibersaryo ng hip hop, at si Sean Combs na kilala sa kaniyang stage names na Puff Daddy, Puffy, P. Diddy at Diddy, ay nag-deliver ng isang career-spanning performance nang tanggapin niya ang Global Icon lifetime achievement award.

Ayon sa 53-anyos mula sa Harlem, “This is so surreal. I started out as a paper boy.”

At si Shakira ang nakakuha ng pinakaprestihiyosong karangalan para sa lifetime achievement award, ang Video Vanguard award na nagpaparangal sa music video innovations.

Colombian singer Shakira popped her hips and surfed the crowd ahead of accepting the 2023 MTV Video Vanguard award, the night’s most prestigious prize (AFP)

Inagaw ng 46-anyos na Colombian performer ang show, sa kaniyang signature hip swings at pops performance, nang awitin niya ang bilingual medley na kinabibilangan ng “She Wolf,” “Te Felicito,” “Objection (Tango),” “Whenever, Wherever” at “Hips Don’t Lie.”

Aniya, “Thank you MTV. Thank you for being such a big part of my career since I was only 18 years old.”

Gaya sa nakaraang taon, ay ang rapper na si Nicki Minaj din ang naging host ng event ngayong taon, na nag-perform ng live para sa pinakabago niyang single na “Last Time I Saw You,” na nakapaloob sa kaniyang album na “Pink Friday 2” na nakatakdang ilabas sa Nobyembre.

Nicki Minaj arrives for the MTV Video Music Awards, which for the second year in a row she hosted (AFP)

Napanalunan din ni Minaj ang award para sa Best Hip Hop, para sa kaniyang awiting “Super Freaky Girl.”

Kasama rin si Minaj sa tribute sa limang dekada na ng hip hop, kung saan bumalik sa stage si Lil Wayne para sa isang medley performance kasama ang hip hop pioneers na sina Doug E. Fresh and Slick Rick, LL Cool J, DMC ng Run-DMC, at Grandmaster Flash at ang Furious Five.

Napunta kay SZA na hindi dumalo sa event ang Best R&B, habang ang Stray Kids ng South Korea ang nakakuha ng award para sa Best K-pop na nagkaroon din ng performance.

Wagi naman bilang Best Afrobeats na isang bagong kategorya si Rema ng Nigeria, para sa kaniyang remixed single na “Calm Down” tampok si Selena Gomez.

Ang naturang awitin ay lumampas sa isang bilyong streams sa Spotify nitong weekend.

Nang tanggapin niya ang trophy ay sinabi ni Rema, “This means so much seeing Afrobeats grow this big.”

Inawit naman ni Anitta ng Brazil ang kaniyang hit song na “Funk Rave,” at napanalunan din niya ang Best Latin award.

Kasama rin sa top performers ng gabi si Karol G ng Colombia, na nanalo rin ng award para sa Best Collaboration kasama ni Shakira.

Nagkaroon naman ng debut live performance para sa kanilang awiting “Bongos” sina Cardi B at Megan Thee Stallion, ang pinakabago nilang kolaborasyon kasunod ng matagumpay nilang “WAP.”

Tinapos ng Pop-punk band na Fallout Boy ang gabi ng millennial nostalgia tour na sinimulan ng NSYNC.

Inawit naman ng emo rockers ang updated version nila ng “We Didn’t Start The Fire” ni Billy Joel, na nagpapakita ng “major moments” ng nakalipas na tatlong dekada sa mga nangyaring pagbabago na kinabibilangan ng linyang “YouTube killed MTV.”

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *