Taylor Swift nagdagdag ng Canada tour dates matapos makiusap ni PM Trudeau
Inanunsiyo ng US superstar na si Taylor Swift ang ilang Toronto dates para sa kaniyang world tour, makaraang makiusap ni Prime Minister Justin Trudeau na huwag laktawan ang Canada.
Sa isang pahayag ay sinabi ng concert sponsor na Rogers Communications, na si Swift ay magkakaroon ng anim na shows bilang bahagi ng kaniyang “Eras Tour” sa pinakamalaking siyudad ng Canada, at ang mga tiket ay mabibili na sa lalong madaling panahon para sa November 2024 dates.
Sa kaniya namang Instagram post ay sinabi ng singer, “Turns out it’s NOT the end of an era. Miami, New Orleans, Indy and Toronto: The Eras Tour is coming to you in 2024.”
Kasama ng posts ang listahan ng date ng kaniyang pagtatanghal sa Toronto na gaya ng sumusunod, November 14-16 at 21-23.
Dagdag pa ni Swift, kasama rin sa magtatanghal ang US singer na si Gracie Abrams, anak na babae ng film director na si J.J. Abrams.
Hindi kasama ang Canada nang unang i-anunsiyo ang mga petsa ng kaniyang tour, na labis na ikinadismaya ng fans ni Swift sa Canada.
Sa kaniyang pakiusap sa singer sa pamamagitan ng isang tweet na agad na nag-viral ay sinabi ni Trudeau, “It’s me, hi. I know places in Canada would love to have you. So, don’t make it another cruel summer. We hope to see you soon.”
Inanunsiyo ni Swift ang karagdagang mga petsa ng kaniyang tour sa 2024 sa mga nauna niyang “Eras Tour” na lahat ay sold-out, na nagsimula noong Marso sa Arizona.
Pinlano niya na magkaroon ng mahigit sa 100 concerts sa Estados Unidos, Mexico, Europe, Asia at Australia, ngunit hindi sa Canada.
Noong Hunyo, isang conservative lawmaker ang nagpahayag din ng kalungkutan sa aniya’y kawalan ng respeto ng singer para sa Canada at nakiusap din na magtakda ng mga petsa ng tour para sa kanilang bansa.
Ang pagbabago ng isip ni Swift ay naging pangunahing istorya sa karamihan ng Canadian media kahapon.
Si Swift ay huling nagtungo sa Canada noong 2018.