Taylor Swift opisyal nang idineklara ng Forbes na isang bilyonaryo
Opisyal nang miyembro ng ‘three-comma’ club ang singer na si Taylor Swift, matapos kumpirmahin ng Forbes ang mga usap-usapan na ang kayamanan nito ay tinatayang lampas na sa billion dollars mark.
Kasama ng malawak niyang songwriting catalog, si Swift ang nagtanghal ng unang ‘billion-dollar tour.’ Ito ay ang nagpapatuloy na Eras Tour na nagpalakas sa ekonomiya ng mga bansang pinagdausan nito at nagpasaya sa mga tagahanga niya sa buong mundo.
Ang 34-anyos na si Swift, ay mayroon ding malaking real estate portfolio, kasama ang kaniyang mga bahay sa New York, Beverly Hills, Nashville at isang coastal mansion sa Rhode Island.
Ang kanyang touring milestone ay isa sa maraming record na nabasag ni Swift sa nakalipas na taon, kabilang ang pagkapanalo ng ikaapat na Grammy para sa Album of the Year, ang pinakamarami sa sinumang artist.
Tumanggap din siya ng “wall-to-wall attention” sa buong 2023, na ang pinakahuli ay ang pagpaparangal sa kaniya ng Time Magazine bilang Person of the Year, na tinawag siyang “rare person who is both the writer and hero of her own story.”
At sa loob lamang ng ilang linggo, ang mga tagahanga ay may bagong album na aabangan, dahil nakatakda nang ilabas ni Swift ang “The Tortured Poets Department” sa Abril 19.