Teachers na walang election duties, puwede nang hindi pumasok on-site mula May 2-13
Pinayagan na ng Department of Education (DepEd), na huwag nang mag-report on site ang mga guro na wala namang election duties mula May 2-13, o sa panahon ng paghahanda para sa eleksiyon sa Mayo 9.
Ito ay makaraang aprubahan ng DepEd ang rekomendasyong ito ng regional directors at division superintendents, dahil karamihan naman anila ng mga guro ay inaasahang magsisilbi sa Mayo 9.
Sa datos ng DepEd, tinatayang nasa 647,812 na mga kawani ng kagawaran ang magsisilbing poll workers, kung saan 319,317 dito ay kabilang sa miyembro ng Electoral Boards habang 200,627 naman ang kabilang sa Electoral Board support staff.
Samantala, nilinaw ng DepEd na kailangang ituloy ng mga gurong walang duty sa halalan ang iba pang mga gawain tulad ng pag-aasikaso sa school forms, paghahanda ng instructional materials at learning plans, at maging ang evaluation sa output at portfolio ng mga mag-aaral.
Matatandaang umalma ang ilang grupo ng mga guro sa unang kautusan ng DepEd, na personal pa ring papasukin sa paaralan mula May 2-13 ang mga guro na hindi kabilang sa rehistradong magsisilbi sa halalan sa Mayo 9.