Team Philippines, babawi sa 2023 Cambodia SEA Games
Kumpiyansa si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez, na makababawi ang Pinoy athletes para sa overall crown sa 2023 SEA Games na gaganapin sa Cambodia.
Bagama’t nasa ika-apat na puwesto lamang, maituturing pa ring tagumpay ang kampanya ng Pilipinas sa katatapos na 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Nagawa pa ring humakot ng Pilipinas ng 52 gold, 70 silver at 107 bronze medals, kahit naapektuhan ng pandemya ang training ng mga atleta noong 2020.
Naging limitado kasi ang paghahanda ng Pinoy athletes dahil na rin sa mga ipinatupad na lockdown, community quarantine restrictions at mahigpit na health and safety protocols sanhi ng COVID-19.
Naging tampok sa kampanya ng Pilipinas sa Hanoi SEA Games ang two-time world champion na si Caloy Yulo, na humakot ng limang gold medals sa men’s artistic gymnastics.
Hindi rin nabigo ang mga Filipino sa kanilang inaasahan sa Tokyo Olympics gold medalist na si Hidilyn Diaz, World No. 6 pole vaulter na si Ernest John Obiena at Tokyo Olympics bronze medal winner na si Eumir Felix Marcial, matapos nilang makakuha ng ginto sa kani-kanilang events.