Team Philippines, fourth placer sa katatapos na 31st Hanoi SEA Games

Photo: www.facebook.com/OlympicPHI/

Umasa ang Team Philippines na makatapos sa ikatlong puwesto, nguni’t hindi na masama na natapos ang bansa sa ika-apat na puwesto sa katatapos na 31st Hanoi SEA Games.

Sinabi ni Philippine Olympic Committee president Bambol Tolentino, na matagumpay ang naging kampanya ng mga atletang Pinoy bagama’t isa sa pinaka heartbreaking para sa Pilipinas ay ang pagkatalo ng Gilas men’s basketball team laban sa Indonesia.

Gayunman, nasaksihan niya nang makuha ng ating mga boksingerong sina Eumir Marcial (75 kilograms), Rogen Ladon (men’s 52kg) at Ian Clark Bautista (men’s 57kg) ang gintong medalya, matapos gibain ang kani-kanilang mga katunggali.

Sinabi ni Tolentino na dapat tandaang noong 2015 at 2017 ay nasa pang-anim na puwesto lamang ang Pilipinas. Masyado aniyang maraming silver medals mula sa subjective na sports, sa kabila nang late nang nakapagsanay ang mga atleta dahil sa mga patakaran ng IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases).

Nakakita rin si Philippine Sports Commission (PSC) Chair Butch Ramirez ng dahilan upang magdiwang, banggit ang mga gintong medalya na napanalunan ng mga batang atleta na maaaring magsilbing building blocks para sa paglahok ng bansa sa 2024 Paris Olympics.

Kabilang sa mga batang gold medalists para sa Pilipinas ang mga recurve archerystalwarts na sina Pia Elizabeth Bidaure, Gabrielle Monica Bidaure at Phoebe Amistoso, at 18-anyos na weightlifting gold medalist na si Vanessa Sarno (71kg).

Sinabi ni Tolentino na ang mga gintong medalya na dapat mapanalunan ng Pilipinas, tulad ng sa billiards, gymnastics, weightlifting at athletics, ay nakuha, patunay sa world-class status ng bansa.

Aniya, lahat ng elite athletes ng bansa ay nag-deliver, na ang tinutukoy ay ang Olympic weightlifting gold medalist na si Hidilyn Diaz, pole vault world No. 5 Ernest Obiena, billiards world champion Rubilen Amit at gymnastics world champion Carlos Edriel Yulo, na nakalolekta ng limang ginto.

Photo: www.facebook.com/OlympicPHI/

Ang Pilipinas ay nakakuha ng 52 ginto, 70 pilak at 107 na tanso o kabuuang 229 medalya at nasa ika-apat na puwesto. Nangunguna naman ang Vietnam bilang overall champion na may 205 golds, 125 silver at 116 bronzes. Pangalawa naman ang Thailand, pangatlo ang Indonesia at pang-lima ang Singapore.

Please follow and like us: