Team Philippines kumolekta pa ng apat na ginto; 400m hurdles muling dinomina ni Cray
Mas bumagal ang takbo ng gold machine ng Team Philippines nitong Martes, ngunit ang performances ng mga atletang Pinoy ay may hatid na pangako ng dagdag pang mga tagumpay sa ginaganap na 31st Southeast Asian (SEA) Games sa Hanoi, Vietnam.
Si Eric Cray ay umangat at binigo ang oposisyon sa 400-meter hurdles para makuha ang ginto sa My Dinh National Stadium. Ito ang ikapitong career gold medal ni Cray sa biennial meet—at hindi pa aniya siya tapos.
Ayon kay Cray . . . “Pakiramdam ko mayroon pa akong isa.”
Kukunin niya ito ngayong Miyerkoles, kapag tumakbo na siya para sa ‘century dash gold,’ pagkatapos ay itutuon ang kaniyang target sa mas matindi pang kumpetisyon sa hinaharap.
Sinabi ni Samantha, misis at coach ng 2016 Rio de Janeiro Olympian na nakaranas ng pulled right hamstring tatlong linggo bago ang Hanoi SEA Games, na lalahok ulit si Cray sa isa pang Olympics. Nakatuon aniya ang kanilang tanaw sa Paris Olympics sa 2024.
Ang 33-anyos na si Cray, na hindi nakapasok sa Tokyo Olympics team dahil sa injury, ay kumuha ng ginto sa loob ng 50.41 segundo upang sungkitin ang kanyang ikalimang sunod na 400 hurdles gold sa SEA Games.
Ang oras ay malayo sa kanyang pinakamahusay na marka at pambansang rekord na 48.98 segundo, ngunit ito ang magsisilbing panimulang punto para sa kaniyang’journey’ sa Paris.
Samantala, nakuha ni Rubilen Amit ang kanyang ika-siyam na career SEA Games gold medal sa pamamagitan ng paghahari sa women’s 9-ball event, at agad na inilipat ang kanyang focus para sa 10-ball ngayong Miyerkoles, kung saan sila ni Chezka Centeno ay paborito na mag-1-2. Si Amit, ang world 10-ball champion ng 2009 at 2013, ay mayroon na ngayong tatlong SEA Games 9-ball golds at anim sa 10-ball.
Hiniling ng 40-anyos na si Amit sa mga mamamayang Filipino, na patuloy na suportahan ang Team Philippines. Aniya . . . “We are doing this for you.” Tinalo niya ang Singaporean na si Jessica Tan, 7-2 sa Ha Dong Gymnasium.
Umakyat din ang Tokyo Olympian na si Kurt Barbosa sa gintong medalya sa taekwondo, matapos makuha ang 16-7 panalo laban kay Panachai Jaijulla ng Thailand sa men’s 54-kilogram final sa Tay Ho Gymnasium.
Nagtambal naman sina Islay Erika Bomogao at Rhichein Yosorez para sa ginto sa muay thai women’s way kru, na isang boxing dance event, sa Vhin Phuc Sports Center.