Telcos dapat gawing user-friendly ang pagrerehistro ng SIM cards – Senador Jinggoy
Kinakalampag ni Senador Jinggoy Estrada ang mga telecommunications companies (Telcos) na gawing user-friendly ang pagpapa-rehistro ng mga prepaid SIM cards.
Sa harap ito ng 90-day extension sa SIM registration na aprubado ni Pangulong Ferdinand Marcos jr.
Ayon kay Estrada batay sa mga natanggap niyang reklamo, hirap magpa-rehistro ang iba dahil sa requirements sa pagda-download ng picture habang ang iba ay walang internet connection lalo na sa malalayong probinsya.
Dagdag ng Senador kahit anong information dissemination ay hindi uubra kung ang mga mobile carrier naman ay hindi so-solusyunan ang hinaing ng publiko.
Umaasa si Estrada na sa susunod na 90-araw ng extended period ng SIM registration ay magpapatupad ang mga Telcos ng mga hakbang para maging user-friendly ang proseso.
Ipinaalala ng Senador ang layon ng batas na masugpo ang mga krimen na gumagamit ng SMS technology at matulungan ang mga law enforcers na mahuli ang mga kriminal.
Meanne Corvera