Telcos na lalabag sa confidentiality agreement sa sim card registration mahaharap sa kasong kriminal ayon sa DICT
Nagbigay ng babala si Department of Information and Communications Technology o DICT Undersecretary Atty. Mae Lamentillo na mahaharap sa criminal liabilities na may kaakibat na parusang pagkabilanggo ng limang taon ang mga opisyal at tauhan ng Telecommunications Companies o Telcos na lalabag sa sim card registration law
Sinabi ni Lamentillo na malinaw ang probisyon ng Republic Act 11934 o Sim Card Registration Act na hindi puwedeng ilabas ng mga Telcos ang anumang impormasyon ng mga subscriber para maiwasan na magamit sa anomang ilegal na gawain sa ilalim ng confidentiality agreement.
Ayon kay Lamentillo protektado din ng Data Privacy Act ang lahat ng impormasyon na makukuha sa Telcos subscribers.
Inihayag ni Lamentillo na maging ang subscribers na magbibigay ng pekeng identification sa sim card registration ay mananagot sa batas.
Batay sa record ng DICT umabot na sa mahigit 16 milyon ang nakapagrehistro ng kanilang sim card mula sa mahigit 168 milyong subscribers ng Smart, Globe at Dito telecom.
Vic Somintac